Pagluwas
IIsa ang lunti, sa matang nakadungaw
sa gilid ng barko,
sa bihis ng pakwang hinog,
at sa murang kawayang tinabas
sa takdang tigas ng buho.
Sa pagdidilim naman,
hindi mapagsino ang mga bituin
sa dami ng kislap, sa tulis at talim
ng alon, taas-baba, waring hinahasa—
sa liwanag ng nag-iisang buwan.
Habang tumutulak ang barkong punyal
sa mundong hinog na, sa paghahati
lumulusong lamang tayo,
inaakalang nailagda ang sugat
sa balat ng dagat.
Sa muling paglingon sa tinalunton,
madulas na umaagos sa ating talim
ang napag-iisa pa ring dagat
walang galos, pumayapa—
banayad sa pagtaas, pagbaba.
Noel Romero del Prado
mula sa Sa Balat ng Dagat
sa gilid ng barko,
sa bihis ng pakwang hinog,
at sa murang kawayang tinabas
sa takdang tigas ng buho.
Sa pagdidilim naman,
hindi mapagsino ang mga bituin
sa dami ng kislap, sa tulis at talim
ng alon, taas-baba, waring hinahasa—
sa liwanag ng nag-iisang buwan.
Habang tumutulak ang barkong punyal
sa mundong hinog na, sa paghahati
lumulusong lamang tayo,
inaakalang nailagda ang sugat
sa balat ng dagat.
Sa muling paglingon sa tinalunton,
madulas na umaagos sa ating talim
ang napag-iisa pa ring dagat
walang galos, pumayapa—
banayad sa pagtaas, pagbaba.
Noel Romero del Prado
mula sa Sa Balat ng Dagat